Mga mambabatas, nakukulangan sa planong tulong ng mga oil company para ibsan ang epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo

Facebook
Twitter
LinkedIn

Hihintayin ng Kamara kung tutuparin ng “Big 3” oil companies ang pagbibigay ng diskwento sa mga motorista.

Ito ang ibinahagi ni Deputy Majority Leader Erwin Tulfo matapos ang ikalawang round ng dayalogo sa pagitan ng Kamara at ng oil industry players.

Matatandaang nagpatawag ng pangalawang pulong ang mga mambabatas upang hintayin ang rekomendasyon ng oil companies sa kung paano sila makatutulong para ibsan ang mataas na presyo ng produktong petrolyo.

Pero ayon kay Tulfo, ang tanging iprinesenta lang ng naturang mga kumpanya ay ang dati na nilang discount scheme na ibinibigay sa public transport.

Aminado ang ACT CIS party-list solon na nakukulangan sila sa tugon ng mga oil company lalo at ang halaga ng naturang diskwento ay noon pang nasa P50 ang presyuhan ng gasolina, malayo sa kasalukuyang presyo na pumapatak ng P70.

Kaya naman hamon aniya nila sa oil companies, doblehin ang halaga ng diskwento at isama na rin ang mga motorista na nagmamaneho ng pribadong sasakyan at motorsiklo.

Wala namang timetable na ibinigay ng kumpanya ng langis kung kailan nila ito ipatutupad.

Kaya naman sinabi ni Tulfo na sila ay magbabantay.

Paalala pa niya na una nang sinabi ni Speaker Martin Romualdez na kung hindi makikipagtulungan ang mga kumpanya ng langis ay may karampatang hakbang na gagawin ang Kamara at isa na rito ang pagbuwag sa oil deregulation law. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us