Mga multi-function na imprastraktura, gagamitin ng administrasyon upang tugunan ang mga pagbaha

Facebook
Twitter
LinkedIn

Siniguro ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na nagpapatupad na ng iba’t ibang paraan ang pamahalaan upang tugunan ang mga pagbaha na dala ng pagbabago ng panahon.

“‘Yun lamang at talagang kailangan tingnan nang mabuti kung ano ‘yun magiging weather, kaya’t kasama rin diyan hindi lamang sa flood control… nagbago na hindi lang ‘yung paglagay ng dike, hindi lang ‘yung paglagay ng dam, kung hindi pati na ang pagbantay nang mabuti sa panahon,” — Pangulong Marcos Jr.

Sa isang ambush interview sa Zamboanga City, sinabi ng pangulo na gagamit ang kaniyang administrasyon ng mga imprastruktura na maraming function.

Halimbawa aniya sa usapin ng flood control projects.

Ayon sa pangulo, hindi na lamang ito limitado dito, bagkus, kaakibat na rin ng dam ang spillway, upang magamit ang mga maiipong tubig tuwing umuulan, para sa irigasyon ng mga lupang sakahan.

“’Yung iba naman para mabawasan ang baha ay maglalagay tayo ng tinatawag na impounding pools. In other words, maghuhukay tayo, doon natin iiipon ‘yung tubig. Maganda ‘yan dahil unang-una hindi nasasayang ‘yung tubig, may iiwan doon sa atin. Tapos pagka medyo tuyo, ‘pag hindi na umuulan, gamitin natin ‘yung tubig para pang-irrigation ulit, puwede pang lagyan ng isda.” — Pangulong Marcos.

Kasama rin aniya sa mga hakbang na ito ang effort ng DOST at PAGASA, upang mapaghandaan ng bansa ang mga paparating na sama ng panahon.

“Kaya’t kasama diyan ang DOST (Department of Science and Technology), nandiyan ang PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration), lahat-lahat sila nagtutulungan para itong mga bagong pag-ulan na ganito ay at least… kung alam natin may parating, eh makapaghanda man lang tayo.” — Pangulong Marcos. Jr.

Kung matatandaan, una nang ipinag-utos ni Pangulong Marcos Jr. ang pagbuo sa Water Resources Management Office (WRMO), para sa pagkakaroon ng komprehensibong plano, upang mapigilan ang mga pagbaha sa Metro Manila at coastal communities.

Ang tanggapang ito rin ang tutugon sa water at sanitation sector, climate impact, kakulangan ng water infrastructure, pagtaas ng demand sa tubig dahil sa lumalaking populasyon at economic growth, at maging ang usapin sa water regulation issues. | ulat ni Racquel Bayan

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us