Tinukoy ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Senador Sherwin Gatchalian ang paglaganap ng text at online scams na nakatulong sa pagkumbinsi sa mga kapwa niya senador para mapirmahan ang committee report tungkol sa pagpapaalis ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Pilipinas.
Matatandaang noong Marso pa unang inilabas ni Gatchalian ang report ng kanilang kumite tungkol sa isyu pero ngayon lang nakakalap ng sapat na pirma ng mga senador na miyembro ng committee on ways and means para maiendorso sa plenaryo ang kanilang rekomendasyon.
Giit ng senador, malaking tulong ang mga naging pagdinig ng Senado tungkol sa mga text scam at iba pang online scams para makakalap sila ng suporta sa mga kapawa senador.
Nakita kasi sa mga naging pagdinig na nagagamit ang mga POGO sa mga text at iba pang online scam.
Sa ilalim ng committee report, inirerekomenda ang tatlong buwang phase out ng mga POGO sa bansa.
Paliwanag ng committee chairman, ito ay para mabigyan ng sapat na panahon ang pag-aabiso sa Securities and Exchange Commission (SEC), mga lokal na pamahalaan at mga inuupahang opisina ng mga POGO sa pagpapatigil ng operasyon ng mga ito.
Gayunpaman, kung ang personal na opinyon ni Gatchalian ang tatanungin ay mas nais niyang agad nang ipasara ang mga POGO.
Ipinahayag naman ng mambabatas na handa siyang makinig at talakayin ang isyung ito sa mga kasamahan niyang senador sa magiging plenary debate tungkol sa isyu.
Target ni Gatchalian na maipresenta sa plenaryo ng Senado ang committee report sa susunod na linggo. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion