Sabay-sabay na magsasagawa ng cash assistance payout ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI), September 12.
Ito’y para tulungan ang mga rice retailer na tumatalima sa inilabas na Executive Order no. 39 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Kabilang sa mga lugar na mamamahagi ng ayuda sa mga rice retailer ngayong araw ay ang bayan ng Pateros gayundin ang mga Lungsod ng Mandaluyong, Makati, Pasig, Marikina at Valenzuela.
Lahat ng ito ay pangungunahan ng mga opisyal mula sa DSWD at DTI kasama ang mga opisyal ng Lokal na Pamahalaan.
Maliban na lamang sa Marikina City na siyang pangungunahan nila Marikina Representatives Stella at Miro Quimbo.
Una rito, nilinaw ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Acting Chairman, Atty. Don Artes na hindi maaaring gawin ang standardization sa pamamahagi ng ayuda ng mga Lokal na Pamahalaan dahil iba-iba ang kanilang pinagkukunan ng resources para rito kumpara sa National Government.| ulat ni Jaymark Dagala