Hinihimok ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang ilang malalaking negosyante o investor sa Middle East na mamuhunan sa Pilipinas, partikular na sa energy sector sa Mindanao.
Sa ginanap na dayalogo sa pagitan ng mga opisyal ng Doha, Qatar at mga opisyal ng Pilipinas sa Dubai, sinabi mismo ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan na nakatuon ngayon ang Marcos Administration sa pagpapaunlad ng imprastraktura sa Mindanao Region, na isa sa mga nakikitang malaki ang potensyal dahil sa malago nitong agrikulutura.
Prayoridad din aniya ng pamahalaan na isulong ang mga proyektong tutugon sa isyu sa enerhiya sa Mindanao upang mas umunlad ang rehiyon.
Sa ngayon, may 79 na infrastructure Flagship Project na nakakasa ang Marcos administration para sa Mindanao.
Umaasa ang pamahalaan na marami ang mamumuhunan sa bansa sa pamamagitan ng Public-Private Partnerships partikular na sa renewable energy. | ulat ni Diane Lear