Nais ni Camarines Sur Representative LRay Villafuerte na limitahan na lang sa skilled Filipino workers ang i-deploy sa Iraq sakaling tuluyan nang alisin ang deployment ban doon.
Ang pahayag ni Villafuerte ay kasabay ng pagsalang sa Commission on Appointments ni Ambassador Charlie Pacana Manangan para sa kaniyang appointment sa Iraq.
Dito sinabi ng embahador na kanyang sinusuportahan ang pag-deploy muli ng mga OFW sa naturang bansa batay na rin sa hiling ng Baghdad.
Kasunod ito ng naganap na Joint Committee Meeting sa pagitan ng Pilipinas at Iraq kung saan hiniling ng Iraq na alisin na ang deployment ban ng Pilipinas sa pagpapadala ng migrant workers doon.
Natanong naman ni Villafuerte kung ligtas na ba para sa mga Pilipino na magtrabaho muli sa Iraq.
Tugon ni Ambassador Manangan mas stable na ang sitwasyon ngayon sa Iraq kumpara noong mga nakaraang taon.
Sa kasalukuyan ang mga OFW na naka-deploy sa Iraq ay pawang service workers sa hotel, support staff sa US military personnel, medical workers, at may ilan din sa oil industry.
Pag-amin din ng embahador na may mangilan-ngilang domestic helpers doon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes