Bubusisiin na rin ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mga reklamo laban sa noontime show na “E.A.T.” na pinalalabas sa TV5.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ng MTRCB ang mga complaint na natanggap nito sa “Gimme 5” segment ng programa na naipalabas noong September 23, 2023 kung saan binanggit ng host na si Joey de Leon ang salitang “lubid” matapos ang tanong sa contestant na tungkol sa mga bagay na maaaring ipulupot sa leeg ng isang tao.
Ayon sa MTRCB, dedeterminahin nito kung ang naturang remark ay isang “valid” issue at kung ito ay may paglabag sa Presidential Decree No. 1986 at sa Implementing Rules and Regulations nito.
Kung matukoy na valid ang isyu, agad namang iisyuhan ng MTRCB ng Notice to Appear at Testify ang bumubuo ng programa para pagpaliwanagin.
Una nang tiniyak ng MTRCB na mananatili silang nakatutok sa misyon na tiyaking tama ang nilalaman ng lahat ng mga palabas sa telebisyon at pelikula. | ulat ni Merry Ann Bastasa