Sa patuloy na monitoring ng Department of Trade and Industry (DTI) Davao City, maraming mga rice retailers na ang sumusunod sa itinakdang price ceiling ng bigas ayon sa Executive Order No. 39 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay DTI Davao City Director Rachel Remitio, sa pang-apat na araw ng implementasyon ng EO 39, halos lahat ng mga retailers sa mga pampublikong mga merkado ang sumusunod na sa itinakdang price cap na P41 kada kilo ng regular-milled at P45 kada kilo ng well-milled na bigas
Bagaman, sinabi ni Remitio na mayroon pa ring mga iilang vendors na hindi pa rin sumusunod sa naturang kautusan, pero karamihan dito ay mga nasa maliliit na mga sari-sari stores.
Kaya patuloy ang mga personahe ng DTI sa paglilibot sa mga bigasan, grocery stores, malls, at maging sa mga sari-sari stores para sa monitoring, information dissemination, profiling sa mga rice retailers, at pangungumbinse sa mga vendors na hindi pa nag-aadjust ng presyo ng kanilang bentang bigas na sundin ang ipinapatupad na rice ceiling.
Samantala, sa kabila ng pagpapatupad ng rice price ceiling, nananatili namang normal ang aktibidad sa mga bigasan at walang na-monitor ang DTI na mahahabang pila ng mga konsumanteng bumibili.
Sa ngayon, patuloy ang DTI sa kanilang information dissemination at “persuasion” sa mga rice retailers, bodega at mga malalaking rice traders para masigurong nasusunod nito ang itinakdang price cap ng bigas ayon sa EO 39.| ulat ni Maymay Benedicto| RP1 Davao