Sinimulan na ang pamamahagi ng ayuda sa mga rice retailer sa Western Visayas partikular sa Iloilo City nitong Miyerkules alinsunod sa Executive Order no. 39 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Masayang tinanggap ng 14 rice retailers mula sa iba’t ibang merkado publiko ng Iloilo City ang P15,000 ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 6.
Ayon kay Atty. Carmelo Nochete, regional director ng DSWD-6, nasa P210,000 ang pondo na kanilang inilaan para sa 14 rice retailers sa Iloilo City.
Samantala, nasa 250 ang small rice retailers na na-validate ng Department of Trade and Industry (DTI) sa rehiyon.
Gaganapin naman ang susunod na pay-out sa Bacolod City, Antique, Aklan, Capiz, at Guimaras.
Ang pamamahagi ng ayuda ay bahagi ng Sustainable Livelihood Program – Economic Relief Subsidy (SLP – ERS) upang matulungan ang mga rice retailers na apektado ng pagpapatupad ng price ceiling at freezing sa presyo ng bigas. | ulat ni Emme Santiagudo | RP1 Iloilo