Inaaral na ngayon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang paghabol sa mga operator ng Small Town Lottery (STL) na bigong makapag-remit ng kita.
Sa budget briefing ng House Committee on Appropriations, inusisa ni OFW Party-list Representative Marisa Magsino kung magkano ang “receivables” mula sa STL operators.
Ayon kay PCSO Assistant General Manager, Atty. Lauro Patiag, mahigit P28 billion ang “revenue” o kita sa STL…pero mayroon din aniyang P5.4 billion na hindi pa nakolekta hanggang noong 2022.
Dahil dito, inendorso na aniya nila sa kanilang legal division ang usapin upang masingil ang mga STL operator na hindi ma nakapagbayad.
Nilinaw din ni Patiag, na ang mga ito ay “terminated agent corporations” ng STL. | ulat ni Kathleen Forbes