Sa kabila ng suspensyon sa trabaho ay nananatiling bukas ngayong araw, September 1 ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Central Office sa Quezon City, NCR Field Office pati ang lahat ng satellite offices nito sa Metro Manila.
Ayon sa DSWD, ito ay para patuloy na makapaghatid ng serbisyo sa mga kliyente nito lalo sa mga humihingi ng tulong sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation.
Sa inilabas na memorandum ni DSWD Secretary Gatchalian, inatasan ng kalihim ang lahat ng empleyado maging ang Contracts of Service (COS) at Job Orders (JO) na mag-report pa rin sa trabaho ngayong Biyernes.
Tinukoy sa memo ang nakasaad din sa MC no. 30 mula sa Malacañang na kailangang magpatuloy ang trabaho sa mga ahensyang naghahatid ng basic services, at rumeresponde tuwing may kalamidad.
“The whole DSWD Central Office, Field Office-NCR and all satellite offices in Metro Manila are open to provide public service. We continue to process the AICS and other forms of assistance for our indigent kababayans,” ani Asst. Sec. Lopez.
Sinabi naman ni DSWD Asec. Romel Lopez na may direktiba ang kalihim na ipagamit ang shuttle services ng ahensya para sunduin ang mga empleyadong nakatira sa mga binabahang lugar.
Kaugnay nito, tiniyak rin ni Asec. Lopez na nananatiling nakaalerto ang DSWD para sa disaster operations at maghatid ng resource augmentation sa mga LGU na apektado ng mga pagulan at pagbaha.
Kabilang dito ang DSWD NCR na aktibong nakikipag-ugnayan na sa mga lokal na pamahalaan ng Quezon City, Taguig, at Caloocan kung saan may mga naka-setup na evacuation centers. | ulat ni Merry Ann Bastasa