Pinuri ng Department of Transportation (DOTr) ang kagitingang ginawa ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ito’y makaraang alisin ng mga ito ang inilagay na mga boya ng China sa Bajo de Masinloc o Panatag Shoal kamakailan.
Sa isang video message, sinabi ni DOTr Secretary Jaime Bautista na hindi matatawaran ang naging katapangan ng mga tauhan ng Coast Guard sa kanilang ginawa.
Ipinakita aniya ng mga ito ang kanilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na igiit ang soberanya at karapatan ng Pilipinas sa teritoryo nito.
Ang Bajo de Masinloc na kilala rin bilang Panatag o Scarborough Shoal ay nakapaloob sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas na naipanalo nito laban sa China sa Permanent Court of Arbitraion sa The Hague, Netherlands noong 2016. | ulat ni Jaymark Dagala