Kinumpirma ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Caraga na natanggap na nila mula sa Department of Trade and Industry (DTI Caraga) ang listahan ng small at micro rice retailers na apektado ng Executive Order (EO) 39 at kasalukuyan pa itong ipinasailalim sa validation.
Sinabi ni Marco Davey Reyes, tagapagsalita ng DSWD Caraga, na wala pa silang ispesipikong petsa kung kailan ipatutupad ang payout para sa cash grant na ibibigay sa mga nagbebenta ng bigas na apektado ng EO 39.
Samantala, ipinaubaya na ng LGU Butuan sa DTI Agusan del Norte ang kahihinatnan ng mga rice retailers na ayaw sumunod sa EO 39.
Binigyang linaw ni Tina Cassion, hepe ng City Trade Industry and Investment Promotion Office ng LGU Butuan na hindi na muna sila maghihigpit sa pagpapatupad ngunit magpapatuloy sa gagawing bantay-presyo para paalalahanan ang mga nagbebenta ng bigas.
Aniya, tuloy na tuloy ang implementasyon ng EO 39 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. o ang price ceiling sa bigas upang makontrol ang patuloy na pagtaas ng presyo nito.
Base sa pinakahuling price monitoring, nasa 90% na sa rice retailers sa apat na estratihikong pampublikong merkado sa Butuan ang tumalima sa EO 39. | ulat ni Jocelyn Morano | RP1 Butuan