Suportado ng minorya na taasan ang ₱2.93-billion na panukalang budget ng Department of Tourism (DOT) sa susunod na taon.
Kung ikukumpara sa kasalukuyang 2023 budget ng DOT, ang panukalang pondo para sa 2024 ay mas mababa ng 24%.
Ayon kay OFW Party-list Representative Marissa ‘Del Mar’ Magsino, ang sapat na pondo ng DOT ay magbibigay daan para tunay na maging ‘powerhouse travel destination’ sa Asya ang Pilipinas.
Natanong naman ni Basilan Representative Mujiv Hataman, kung ano ang epekto ng 47% na pagbaba sa budget ng market and product development ng DOT lalo na sa branding campaign.
Sagot ni Isabela Representative Inno Dy, sponsor ng DOT budget, magreresulta ito ng “less exposure” sa domestic at international markets.
Pinuri naman ni Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel ang DOT na hindi sumama sa ‘bandwagon’ ng mga ahensya na humingi ng confidential fund at umaasang mananatili ang ganitong posisyon.
Maliban sa DOT, pasado na rin sa plenaryo ang panukalang pondo ng Department of Finance, National Economic Development Authority, Anti-Red Tape Authority, Film Development Council of the Philippines at Mindanao Development Authority. | ulat ni Kathleen Jean Forbes