Gumugulong na ang mobile library ng lalawigan ng Cotabato papunta sa iba’t ibang paaralan sa bayan ng Pikit. Ito ay matapos inilunsad noong buwan ng Agosto ang “Pagbasa Pag-asa Program” sa lalawigan katuwang ang Department of Education-Cotabato Division .
Sa ilalim ng naturang programa, kumuha ang kapitolyo ng mga lisensyadong guro sa barangay na dumaan sa masinsinang screening process at naatasang magturo sa mga batang nasa ikatlo hanggang ikalimang baitang na hindi pa marunong bumasa.
Ito na ang pangatlong araw ng paglilibot ng provincial library sa bayan ng Pikit, kung saan una nitong binisita ang Ladtingan Elementary School noong Lunes Setyembre 18.
Kahapon Setyembre 19, 2023, pinuntahan nito ang Inug-ug Elementary School .
Ngayong araw September 20, gumulong patungo sa Ginatilan Elementary School ang mobile library service program.
Hatid nito ang mga kawili-wiling aklat at tablets na naglalaman ng makabagong kaalaman na makakatulong sa 220 mag-aaral ng naturang paaralan na mahasa sa pagbasa, komunikasyon at pag-unawa .
Pinangungunahan ni Provincial Librarian Aurora Nebrija ang paglilibot ng mobile library sa mga bayan ng Cotabato, batay na rin sa direktiba ni Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza na ilapit ang serbisyo ng kapitolyo lalo sa mga paaralan bilang tugon sa “learning gaps” na dulot ng nagdaang pandemya.| ulat ni Nitz Escarpe| RP1 Davao