Arestado ang isang motorcycle rider sa checkpoint operations ng militar at pulisya kaugnay ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Kinilala ang nahuli na si Jomar Kalaing, 33 taong gulang, driver ng Notre Dame of Midsayap College at residente ng Upper Labas, Midsayap, North Cotabato.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Mindanao Command (WestMinCom) Spokesperson Major Andrew Linao, nagsasagawa ng checkpoint operations ang tropa ng 34th Infantry Battalion nang pinara nila ang rider.
Habang pinabubuksan nila ang compartment ng motorsiklo ay napansin nila ang kahina-hinalang kilos ng rider.
Sa visual inspection ay nakita nila isang unlicensed at undocumented STI Edge Cal .45 pistol na may isang magazine at walong live ammunition.
Agad itinurn-over sa Midsayap Municipal Police Station ang suspek at ang baril para sa pagsasampa ng kaukulang reklamo.
Inatasan ni Philippine Army Commanding General Lt. Gen. Roy Galido ang kanilang mga tauhan na paigtingin ang checkpoint operations bilang suporta sa seguridad ng halalan sa Oktubre 30. | ulat ni Leo Sarne
📸: WestMinCom