Bukas si Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. na pag-aralan ang mungkahi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na aslisin o bawasan ang taripa na ipinapataw sa mga inaangkat na bigas para mapababa ang presyo nito sa bansa.
Ayon kay Revilla, kailangan nang bumalangkas ng mga askyon para matugunan ang problema sa mataas na presyo ng bigas.
Bagama’t aminadong hindi eksperto sa pagbubuwis, sinabi ng senador na maaaring ikonsidera ang mungkahi ni Diokno.
Iginiit rin ng mambabatas na dapat sabayan rin ito ng gobyerno ng patuloy na pagtugis sa mga rice hoarder, cartel at smugglers maging ang mga nagmamanipula ng presyo ng bigas.
Kailangan aniyang mahuli ang mga ito at mapanagot sa batas.
Idinagdag rin ni Revilla na dapat kumpiskahin ang mga bigas na iniipit ng mga mapang-abusong trader at ito ang ipamahagi ng libre sa mga mahihirap na Pilipino. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion