Giniit ni Senador Mark Villar na ang naranasang Medusa ransomware cyber attack ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay isa ring pag-atake sa public health at welfare dahil nakokompromiso ang pribadong impormasyon ng mga PhilHealth members.
Ginawa ng senador ang pahayag kasabay ng pagkondena sa malaking kaso ng information theft na ito.
Ayon kay Villar, ang higit bente kwatro oras na downtime ng PhilHealth system ay naglagay sa panganib ng kapasidad ng mga miyembro at benepisyaryo nito na manghingi ng agarang medical assistance.
Pinahayag rin ng mambabatas ang pangamba sa serye ng mga pag-atake sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Kaugnay nito ay inihain ni Villar ang Senate Resolution 811 para magkaroon ng Senate inquiry tungkol sa mga cyber attack na ito sa PhilHealth at sa iba pang pag-atake laban sa mga government websites.
Sinabi ng mambabatas na napapanahon nang patatagin ang cyberspace security ng gobyerno lalo na’t nakasalalay ang mga pribado at sensitibong impormasyon hindi lang ng isang institusyon kundi maging ng mga sambayanang Pilipino.
Naniniwala si Senador Mark na dapat nang magkaroon ng regulation ng cyberspace sa gitna ng tumataas ng kaso ng cyber attacks sa mga ahensya ng gobyerno at mga kaso ng online fraud sa mga consumer.| ulat ni Nimfa Asuncion