Upang mapagbuti pa ang maternal healthcare sa bansa, itinutulak ngayon ni House Health Committee Chair at Batanes Representative Ciriaco Gato Jr., na magkaroon ng National Immunization Program para sa mga nagdadalang tao.
Sa ilalim ng House Bill 9354, pinasasama ang Influenza at TDAP o (Tetanus Toxoid, Diphtheria Toxoid, and Acellular Pertussis) vaccinations sa maternal healthcare services ng mga buntis.
Sa pamamagitan nito, matitiyak na ang mga nanay at kanilang anak ay may sapat na proteksyon laban sa vaccine-preventable diseases gaya ng Influenza, Pertussis, Tetanus, at Diphtheria.
Batay sa panukala, libre ang pagpapabakuna sa mga government hospital at health facility at kung sa pribadong ospital ay isasama sa PhilHealth benefit package.
Tinukoy ni Gato na isa ring doktor, ang datos ng Philippine Statistics Authority kung saan hindi bababa sa 2,479 na kababaihang nagdadalang tao ang nasawi noong 2021.
Katumbas aniya ito ng anim hanggang pitong kababaihang Pilipino na namamatay dahil sa maternal causes araw-araw. | ulat ni Kathleen Forbes