Nakapagpalabas na ng P846.71 million na halaga ng pautang ang National Electrification Administration (NEA) para sa 22 electric cooperatives (ECs) hanggang Agosto,2023.
Batay sa datos ng NEA – Accounting Management and Guarantee Department, aabot sa P411.86 million ang nagamit para sa capital expenditure loans ng 16 ECs.
Samantala, P372 million naman ang nahiram o nautang ng 7 ECs bilang working capital.
Nakapangutang din ang Misamis Oriental I Electric Cooperative, Inc.ng P12.85 million para sa kanilang modular generator set habang ang Lanao del Norte Electric Cooperative, Inc. ay naka-avail ng P50 million short-term credit facility loan.
Ang NEA ay nag-aalok ng tulong pinansyal sa mga EC sa pamamagitan ng Enhanced Lending Program nito, na binubuo ng regular, calamity at concessional loan, stand-by at short-term credit loan, single-digit system loss, renewable energy at modular generator set loan. | ulat ni Rey Ferrer