Patuloy na tinututukan ng pamahalaan na mapaigting ang income ng mga magsasaka, kasabay ng pagtitiyak ng rice supply sa bansa.
Ito ang dahilan kung bakit ang National Food Authority (NFA) ay nagtakda ng bagong price range para sa buying price ng palay, bilang tugon na rin sa nagbabagong produksyon at market condition.
“Nagtawag ako ng meeting ng NFA Council para tingnan ang paanong pwedeng gawin para ang presyo ng pambili ng NFA sa palay, ‘yung wet at saka ‘yung dry, ay kailangan nating tingnan dahil nagbago na ang sitwasyon,” —Pangulong Marcos Jr.
Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., base sa kanilang napagpulungan ng NFA Council, napagpasyahan na ang buying price ng NFA sa dry palay ay magiging P19 to P23, mula sa kasalukuyang P19.
Habang ang wet palay naman ay magiging P16 to P19, mula sa kasalukuyang P15 to P16 kada kilo.
“So, mayroon na silang pagkikitaan. At bukod pa roon, nandiyan na ‘yung price cap para maikalma natin itong nangyayari sa rice prices,” —Pangulong Marcos.
Base sa pulong, hindi uubra ang originally proposed na P20 at P25 buying prices ng palay, dahil masyado na itong mataas at nakikitang makakaapekto ito sa pagsipa rin ng retail prices. | ulat ni Racquel Bayan