Magkakaroon ng pagbabago ang National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa pagpresenta ng mga nagbalik-loob sa pamahalaan.
Ito ang sinabi ni NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr. kasabay ng pag-amin na “wrong move” ang pagpresenta ng dalawang aktibista na unang nanumpa na boluntaryo silang sumuko sa pamahalaan.
Matatandaang biglang binaliktad ni Jhed Reiyana Tamano at Jonila Castro ang kanilang pahayag para akusahan ang gobyerno ng pagdukot sa kanila, nang iharap sa media sa pulong-balitaan sa Plaridel, Bulacan kamakalawa.
Sa pulong-balitaan kahapon, sinabi ni Torres na ito ay “lesson learned” para sa kanila.
Paliwanag ni Usec. Torres, maganda ang intensyon ng pamahalaan sa pagpepresenta kina Castro at Tamano dahil nais lang nilang ipabatid sa taumbayan na ligtas ang dalawang kabataan.
Sa kabila aniya ng pagtraydor ng dalawa, binigyang diin ni Usec. Torres na naniniwala pa rin siyang “biktima ng terorismo” ang dalawang aktibista, at gagawin ng pamahalaan ang lahat para mailigtas sila mula sa kamay ng mga teroristang komunista. | ulat ni Leo Sarne