Hiniling ni Ombudsman Samuel Martires, na huwag gamitin ang kanilang tanggapan sa paghahain ng reklamo laban sa mga opisyal ng pamahalaan na wala naman sa kanila ang hurisdiksyon ng kaso.
Ito’y matapos mausisa ni Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel sa budget briefing ng tanggapan, ang kaso na inihain laban sa mga dating opisyal ng NTF-ELCAC na sangkot sa red-tagging.
Aniya, ang naturang kasong patungkol sa red-tagging ay na-dismiss na dahil wala namang batas laban sa red-tagging.
Hindi rin aniya maaaring ipilit na paglabag ito sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, dahil patungkol pa rin sa red-tagging ang ugat ng kaso.
Inihalimbawa pa ni Justice Martires ang maraming kasong natatanggap ng Ombudsman gaya ng reklamo sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na wala rin sa kanilang hurisdiksyon. | ulat ni Kathleen Forbes