Kinondena ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mga sunod-sunod na pagbabanta laban sa kanilang chairperson na si Lala Sotto.
Sa isang pahayag, sinabi ng MTRCB na naging target ng online attacks at harrassment ang kanilang official social media pages sa mga nakalipas na linggo at umabot sa puntong nagdudulot na ng pangamba sa seguridad at kaligtasan ng kanilang chairperson.
“Over the past weeks, we have experienced an unfortunate surge in threatening messages on our official social media pages, including explicit rape and death threats directed at Chairperson Lala Sotto,” ayon sa MTRCB.
Giit ng ahensya, bagamat bukas ito at nirerespeto ang mga kritisismo at dayalogo, hindi umano tamang idaan ito sa pagbabanta, at harassment, ito man ay online o offline.
Ayon kay MTRCB Executive Director II Atty. Mamarico Sansarona Jr., hindi na makatarungan ang nararanasan ngayong mga atake ng kanilang chairperson, lalo’t ginagawa lamang naman nila ang kanilang kanilang mandato.
“No Filipino deserves such kind of unfounded personal attack. We must not resort to personal attacks because our agency is just doing its mandate. We are happy that our Chair is very active in discharging the functions of our office based on existing laws,” ani MTRCB Executive Director II Atty. Mamarico Sansarona Jr.
Panawagan ng MTRCB sa netizens, maging responsible sa kanilang mga puna at komento.
Kasunod nito, tiniyak naman ng MTRCB na mananatili silang nakatutok sa misyon na tiyaking tama ang nilalaman ng lahat ng mga palabas sa telebisyon at pelikula. | ulat ni Merry Ann Bastasa