Sisimulan na ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang pag-rollout ng online Lotto ngayong buwan.
Sa budget briefing, sinabi ni PCSO Assistant General Manager Arnel Casas na sa kasalukuyan ay nagsasagawa na ng training para sa mga tauhan na kailangan sa web-based Lotto betting.
Sa September 18 o 19 naman aniya nila sisimulan ang User Acceptance Testing.
Nausisa naman ni House Committee on Appropriations Senior Vice-Chair Stella Quimbo, kung hindi ba magreresulta sa pagsasara ng mga Lotto outlet ang web-based Lotto.
Pangamba ng mambabatas na oras na ilunsad ito ay magiging ‘box office hit’ dahil sa mas madali nang tumaya, na posible naman mauwi sa pagsasara ng nasa 8,000 Lotto outlet.
“What’s the long term plan for the physical outlets kasi hindi ba magsasara ang physical outlets? So, if you said that job generation is a mandate hindi ba mawawalan ng negosyo yung physical outlet?” tanong ni Quimbo.
Paliwanag naman ni Casas na magkaiba ang target na kliyente ng Lotto outlet at web-based.
“We have determined that we will have a separate market for this mobile web-based apps. These are the, yung mga kapareho po natin that we cannot go to the Lotto outlets to line up… We target actually Class A and B,” sabi ni Casas.
Kasabay nito tiniyak din ni Casas na hindi makakataya ang mga menor de edad sa online Lotto.
Magkakaroon aniya sila ng KYC o yung ‘know your client’ kung saan kailangang magrehistro ang isang player bago ito makataya at kakailanganin umano na magsumite ng valid na government identification card.
Pero hirit ni Surigao del Norte Representative Bingo Matugas maaaring makasingit ang mga pekeng account gaya nang nangyari sa SIM Registration kung saan gumamit ng ID na may litrato ng isang unggoy.
Sagot naman ni Casas na kung mananalo ang taya ng isang menor de edad ay hindi naman nito makukuha ang kaniyang premyo dahil kakailanganin nitong pisikal na pumunta sa mga Lotto outlet o sa tanggapan ng PCSO. | ulat ni Kathleen Jean Forbes