Inaasahang magbabalik na sa normal ngayong araw, Setyembre 25 ang sistema ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
Ito’y matapos mabiktima ng cyber attack ang sistema ng pangunahing state insurer nitong weekend kung saan, isang grupo ang nagpakilalang “Medusa” at nanghihingi ng 300 milyong dolyar kapalit ng mga nakuha nilang datos.
Patuloy na iniimbestigahan ng Philhealth ang naturang insidente at katuwang na nila ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan upang maresolba ito.
Kasunod nito, kagyat na naglatag ng mga pansamantalang solusyon ang Philhealth para makapagpatuloy pa rin sa kanilang transaksyon ang mga miyembro partikular na sa mga benepisyo nito.
Kinakailangan lamang magpakita ng photocopy ng Philhealth ID, Member Card Data Record at iba pang supporting documents ng mga miyembro at mga dependent na kukuha ng claims.
Pinayuhan din ng Philhealth ang mga accredited healthcare facilities nito na ipagpatuloy ang pagkaltas ng mga Philhealth benefits at ayusin ang temporary discharge setup hanggang sa maisaayos na ang kailang sistema. | ulat ni Jaymark Dagala