Aabot sa mahigit 4000 slots ang inilaan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region I para sa lalawigan ng Pangasinan kaugnay ng kanilang Welfare Assistance Program (WAP) para sa mga nasalanta ng Bagyong Egay nitong buwan ng Hulyo.
Batay sa abisong inilabas ng nabanggit na tanggapan, tumatanggap na sila ng online application para sa kanilang assistance program kung saan ang mga kwalipikadong aktibong miyembro ng OWWA ay mayroong hanggang October 27, 2023 upang makapagsumite ng kanilang mga aplikasyon.
Kabuuang 4,300 slots ang inilaan sa Pangasinan kung saan 1,000 dito ay para sa lungsod ng Dagupan habang tig 500 naman para sa mga bayan ng Mangatarem, Binmaley, Lingayen, Sta. Barbara, Calasiao at Mangaldan at 300 naman para sa bayan ng Basista.
Ang mga nabanggit na mga lugar ay pawang nasa ilalim ng State of Calamity matapos ang mga naranasang epekto ng nagdaang Super Typhoon Egay.
Kabilang naman sa mga kailangang isumite ng mga aplikante ang nasagutang kopya ng claim form, kopya ng passport ng OFW, authorization kung hindi man nag OFW ang gaganap bilang claimant at kopya ng valid government-issued ID.
Paalala naman ng OWWA Region I na ito ay “first come, first served basis” at ang mga kwalipikadong mabigyan ng tulong pinansyal ay makakatanggap ng text message para sa iskedyul ng gagawing pay-out.
Samantala, aabot naman sa 13,800 slots ang kabuuang inilaan ng OWWA Region I para sa buong Ilocos Region kaugnay ng kanilang calamity assistance program. | ulat ni Ruel de Guzman | RP1 Dagupan
đŸ“· OWWA Region I