Pisong budget ang hirit ni Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo para sa Bureau of Plant Industry (BPI).
Sa pagpapatuloy ng pagtalakay ng House Committee on Agriculture and Food sa isyu ng mataas na presyo ng sibuyas sinabi ni Tulfo, na mas maiging hindi na paglaanan ng pondo ang BPI dahil sa hindi naman nito nagagawa ang kanilang mandato.
Katunayan, hindi na aniya dapat nauwi sa imbestigasyon ng Kamara ang isyu sa sibuyas kung ginawa lamang ng mga ahensya ng pamahalaan ang kanilang trabaho.
Depensa naman ni Shereene Samala ng DA-BPI — nagsasagawa naman sila ng monitoring sa cold storage facilities at may konsultasyon din sa mga magsasaka.
Ngunit ani Tulfo, kung talagang nagbantay ang ahensya ay hindi magkakaroon ng hoarding na siyang dahilan sa pagsipa ng presyo ng sibuyas.
Kung hindi pa aniya nag-ikot si Speaker Martin Romualdez at ang oversight committee ay hindi aniya bababa ang presyo nito.
Kasabay naman nito, ay pinababantayan na rin ni Tulfo sa BPI ang kamatis na aniya ay mas mataas na ngayon ang presyo kumpara sa sibuyas. | ulat ni Kathleen Forbes