Positibo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kaya pang abutin ang P20 per kilong bigas sa bansa.
Ayon sa Pangulo, kailangan lamang na maging stable at ma-normalize ang sektor at cost of production ng agrikultura.
Makakatulong rin aniya ang paggamit ng mga magsasaka sa mga tulong na ipinagkakaloob ng pamahalaan.
“May chance lagi ‘yan, kung maayos natin ang production natin at maging maayos, hindi na tayo masyadong bagyuhin at ‘yung mga tulong na ibinibigay natin sa mga farmer ay magamit na nila.” -—Pangulong Marcos Jr.
Sabi ng Pangulo, mayroong mga factor sa labas ng bansa na direktang nakakaapekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa Pilipinas, na nag-uudyok naman sa pamahalaan at sa merkado na mag-adjust.
Pagbibigay diin ng Pangulo, mas magiging madali para sa pamahalaan na magpatupad ng adjustment sa oras na magbalik na sa normal ang lahat.
Basta’t tumaas aniya ang ani ng mga magsasaka, magagawa na ring makapantay ng presyo ng bigas.
Ayon kay Pangulong Marcos Jr., ginagawa na ng pamahalaan ang lahat ng remedyo upang masiguro na ang presyo ng mga pangunahing bilihin ay mananatiling abot-kaya para sa mga Pilipino.
Nito lamang Lunes (September 18), nagtakda ang NFA Council ng buying price range na P16 to P19 para sa wet palay, habang P19 to P23 para sa dry palay.
“So, pagka naging mas normal na ang sitwasyon, malaking pag-asa talaga natin na ibababa natin ang presyo ng bigas,” —Pangulong Marcos Jr. | ulat ni Racquel Bayan