Pinabibilisan ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ang pag-review sa Armed Forces of the Philippines Modernization Program.
Ito ang sinabi ng kalihim sa ambush interview matapos pangunahan ang turnover ng bagong eroplano mula sa Estados Unidos sa Clark Airbase ngayong umaga.
Paliwanag ng kalihim, habang tumatagal ang pag-aaral sa mga pangangailangan ng AFP ay tumataas din ang presyo ng mga kagamitang kailangang bilhin.
Kailangan aniyang maiangat ang kapabilidad ng AFP “as soon as possible”.
Matatandaang unang inatasan ng kalihim si AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner na repasuhin ang AFP modernization program para maging mas-angkop sa paglikha ng “credible defense posture”.
Kailangan aniya ay hindi “piecemeal” ang pagkuha ng mga modernong kagamitan at interoperable ang lahat ng mga ito upang hindi “pakitang tao” lang ang modernisasyon. | ulat ni Leo Sarne