Kinumpirma ngayon ng Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth na nasa final certification na sila upang ganap nang maibalik ang kanilang online system at website.
Ito’y matapos makumpleto ng state health insurer ang kanilang komprehensibong ulat patungkol sa ransomware attack sa kanilang website.
Ayon kay Philhealth Senior Vice President Dr. Israel Francis Pargas, hawak na ng National Privacy Commission o NPC ang kanilang ulat matapos ang ginawang pagbisita ng Information Technology Officers nito kahapon.
Masaya namang iniulat ni Pargas na walang nangyaring leak sa kanilang sistema partikular na sa personal at medical information ng kanilang miyembro.
Nabatid na kasama sa report na hinihingi ng NPC sa Philhealth ay ang comprehensive account ng nangyaring breach, kasama ang mga personal data na posibleng nakompromiso at mga hakbang na ginagawa nila para hindi na maulit pa ang insidente.
Matatandaang September 22 nang atakihin ng Medusa ransomware ng Philhealth. | ulat ni Jaymark Dagala