Muling nagpulong ang mga opisyal ng militar ng Pilipinas at Amerika para talakayin ang mga usaping may kinalaman sa defense and security.
Kapwa pinangunahan nila Armed Forces of the Philippines o AFP Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr. at US Indo-Pacific Commander Admiral John Aquilino ang Mutual Defense Board at Security Engagement Board Meeting sa Kampo Aguinaldo kahapon.
Kabilang sa mga dumalo sa pagpupulong si US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson na muling nagtiyak ng buong suporta sa alyansa ng dalawang bansa.
Tinalakay din sa pulong ang mahigit 60 na karagdagan mula sa 30 kasalukuyang proyekto na isasagawa sa mga lugar sa ilalim ng Enhance Defense Cooperation Agreement o EDCA.
Pero nang tanungin ang dalawang opisyal kung may plano bang dagdagan ang kasalukuyang siyam na EDCA sites, ani Aquilino, mayroon nang rekomendasyon para rito ngunit bahala na sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at US President Joe Biden na magpasya rito. | ulat ni Jaymark Dagala