Tuloy na ngayong araw, September 28 ang pagdinig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa lahat ng petisyon hinggil sa dagdag-pasahe.
Nakatakdang mag-convene ang LTFRB Board sa tanggapan nito sa Quezon City mamayang alas-10 ng umaga.
Kasama sa inaasahang dinggin ang hirit ng transport groups sa provisional ₱1 fare increase sa pampasaherong jeepney.
Mayroon ding dalawa pang petisyon para sa dagdag-pasahe, kasama ang karagdagang ₱4 sa pasahe sa unang apat na kilometro ng biyahe at ₱1 na dagdag sa kada kilometro.
Una nang sinabi ni LTFRB Chair Teofilo Guadiz III na bukod sa fuel subsidy, patuloy na pinag-aaralan ng ahensya ang mga hirit sa taas-pasahe dahil na rin sa tuloy-tuloy pa ring pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo.
Kabilang na rito ang provisional o pansamantalang taas-pasahe sa jeep na malaki aniya ang posibilidad na maaprubahan.
Paliwanag ni Chair Guadiz, kokonsultahin rin nito ang National Economic and Development Authority (NEDA) dahil kailangang balansehin ang magiging epekto nito sa mga commuter at sa ekonomiya. | ulat ni Merry Ann Bastasa