Sinimulan na ang Philippine Ports Authority (PPA) ang paghahanda para sa inaasahang dagsa ng mga pasahero para sa nalalapit na Undas.
Sa briefing ng Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni PPA Spokesperson Eunice Samonte, na binuksan na nila at pinalawak ang iba’t ibang pantalan sa bansa, tulad sa Port of Calapan, na isa aniya sa top 5 na pantalan sa bansa na pinaka-dinadagsa ng pasahero tuwing holiday.
“Iyong Port of Calapan diyan sa Mindoro, so mula sa dating siksikan kasi iyan, iyong kapag napapabalita dati ‘di ba, may mga passenger na nag-aantay sa labas ng pantalan. So ngayon mas pinabago na iyong pantalan, iyong mga elevator, all glass na iyong building and kaya na pong mag-accommodate up to 12,000 na passengers.” – Samonte
Kabilang rin ang Port of Batangas, Iloilo, Panay, at Guimaras.
“Iyan po ang mga inaasahan natin na dadagsain, top five ports ‘no, ngayong peak season talaga kaya naglagay na tayo diyan ng mga karampatang pangangailangan.” —Samonte
Bukod dito, naglagay na rin aniya ang pamahalaan ng water refilling station at charging station, para sa mga pasaherong maghihintay ng kanilang biyahe.
Kaugnay nito, umaapela si Samonte sa mga may-ari ng mga barko.
“Sana ay magkaroon pa ng mga karagdagang barko para tuluy-tuloy iyong biyahe ng ating mga pasahero. At sa Philippine Ports Authority, kapag may nai-stranded, mayroon po kaming palugaw diyan at saka pasopas kapag nag-aantay sila ng mga barko. So sana po tuluy-tuloy iyong pagdating noong mga barko at on-time para walang stranded.” —Samonte. | ulat ni Racquel Bayan