Patuloy pa ring pinagsusumikapan ng pamahalaan na matamo ang target nito na maging insurgency-free ang buong Pilipinas sa mga susunod na taon.
Ito ang pagtitiwalang inihayag ni Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Senior Undersecretary Isidro Purisima kasunod ng dumaraming bilang ng mga lugar sa bansa na idinedeklarang malaya na sa armadong pakikibaka.
Ayon kay Purisima, ngayong natutugunan na ng pamahalaan ang mga isyung inilalatag ng mga komunista, unti-unti na ngayong nahihikayat ang mga nasa kabundukan na bumaba kasama ang kanilang mga armas upang magbalik-loob.
Bagaman aminado si Purisima na nakatulong din sa paghina ng mga kalaban ng estado ang pagkamatay ng mga lider komunista gaya ni Jose Ma. Sison, naging susi rin dito ang whole-of-nation o sama-sama at nagkakaisang pagkilos para sa kapayapaan.
Sa ganitong paraan ani Purisima, maisasaayos na ng pamahalaan ang usaping panloob at maitutuon na ng Sandatahang Lakas ang kanilang buong atensyon sa mga panlabas na banta gaya ng usapin sa West Philippine Sea at iba pa. | ulat ni Jaymark Dagala