Ikinatuwa ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagkakalusot sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ng panukalang Magna Carta of Filipino Seafarers.
Ayon kay DMW Officer-In-Charge, Senior Undersecretary Hans Leo Cacdac, nagpapasalamat sila kay Pangulong Ferdidnand Marcos Jr. dahil sa hakbang nito na sertipikahag urgent ang naturang panukala.
Aniya, ang naturang hakbang ay tiyak na magbibigay pakinabang sa mga Pilipinong mandaragat na nag-ambag ng malaki sa industriya na kanilang kinabibilangan.
Naniniwala si Cacdac na sa pamamagitan ng batas na ito ay lalo pang yayabong ang kalakalan ng mga produkto at serbisyo dahil protektado na rin sa wakas ng batas ang mga taong nasa likod nito.
Kasunod nito, tiniyak ni Cacdac ang patuloy nilang suporta sa mga mambabatas upang pandayin ang naturang batas na siyang magigng sandata nila para sa mas ligtas, pantay-pantay at seafarer centric na sektor.
Sa huli, nagpasalamat din si Cacdac sa mga senador na siyang tumalima sa kautusan ng Pangulo na paspasan ang pagpasa ng panukala. | ulat ni Jaymark Dagala