Muling iginiit ng Pilipinas ang pagkapanalo nito sa arbitration laban sa China noong 2016 ukol sa agawan ng teritoryo ng dalawang bansa sa West Philippine Sea noong 2016.
Kasunod ito ng pagdalo ng mga delegado ng Pilipinas sa isinagawang public hearing ng International Tribunal for the Law of the Sea sa Hamburg, Germany.
Pinangunahan ng Permanent Representative ng Pilipinas sa United Nations na si Ambassador Carlos Sorreta ang delegasyon kasama sina Foreign Affairs Assistant Secreyary Ma. Angela Ponce at Assistant Solicitor General Gilbert Medrano.
Sentro ng naturang pagdinig ang marine protection gayundin ang preservation kasunod na rin ng mga lumalabas na ulat hinggil sa pagkasira ng marine ecosystem sa naturang karagatan.
Dito, muling iginiit ni Sorreta ang kahandaan ng Pilipinas na makiisa sa lahat ng mga bansa sa pagbibigay proteksyon at pagpapanatili ng marine environment kasunod na rin ng epekto ng climate change.
Sinabi pa ni Sorreta na may pananagutan ang mga bansang kasapi ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS na gumawa ng mga hakbang upang protektahan at panatilihin ang marine environment. | ulat ni Jaymark Dagala