Nilinaw ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na ang siyam na pirmang nakuha ng committee report tungkol sa panukalang diborsyo ay hindi katumbas ng pagsang-ayon ng mayorya ng mga senador sa naturang panukala.
Ayon kay Villanueva, marami sa mga senador na pumirma sa committee report sa divorce bill ay lumagda para lang mapag-usapan na ito sa plenaryo.
Si Villanueva ay naninindigan pa rin na tutol siya sa divorce.
Iginiit ng senador, na ang mga pagsasamang nauuwi sa karahasan ay dapat wakasan sa pamamagitan ng annulment o nullity of marriage.
Ang kailangan aniyang gawin lang ay mas padaliin ang prosesong kaakibat nito, at gawing mas accessible sa lahat anuman ang estado sa buhay.
Si Senador JV Ejercito naman, naniniwalang dapat mabigyan ng ikalawang pagkakataon ang mga inidibidwal na nakukulong sa miserableng pagsasama.
Sa ngayon ay tinitimbang pa aniya ni Ejercito ang kanyang personal stand sa isyung ito, kaya mainam na matalakay ito sa plenaryo ng senado. | ulat ni Nimfa Asuncion