Makakaasa ang publiko na paiigtingin ng pamahalaan ang price monitoring nito sa bigas, kasunod ng pagbilis ng inflation nitong buwan ng Agosto, na nasa 5.3% mula sa 4.7% noong Hulyo.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, base sa ulat ng National Economic and Development Authority (NEDA), ang presyo ng bigas ay malaki ang iniambag sa pagbilis ng inflation sa bansa.
“Ang datos na ito ay isa sa malaking dahilan sa pagpasya ng ating Pangulo sa pagtatakda ng price ceiling (sa bigas) at ito ay isang pansamantalang patakaran upang tugunan ang inflation,” —ES Bersamin.
Ayon sa kalihim, kaya naman nagbaba ng Executive Order no. 39 ang Palasyo ay upang matulungan ang mga Pilipino na makabili ng abot-kayang bigas.
“Ang patakaran ding ito ay naglalayong mabawasan ang paghihirap ng ating mamamayan at puksain ang mga nagmamanipula ng presyo.” —ES Bersamin.
Sinabi ng kalihim na ang Marcos Administration ay patuloy na gagawa ng hakbang upang tugunan ang inflation, at mabawasan ang pasanin ng mga Pilipino.
“Ang pagtaas ng inflation ay dahil sa presyo ng pagkain, lalo na ang bigas, sa pangkalahatan. Kaya nagpasya ang ating Pangulo na ipatupad ang price ceiling sa bigas dahil sa nakikita nya na ang pagtaas nito ay namamanipula na nagpapahirap sa ating kababayan. Ang price ceiling ay isang hakbang para tugunan ang inflation para mabawasan ang paghihirap ng ating mga mamamayan. Patuloy tayong magbabantay upang tugunan ang mga pangangalangan ng bawat Pilipino,” —ES Bersamin. | ulat ni Racquel Bayan