Sinusubukan ng pamahalaan na ibaba sa pitong araw ang kasalukuyang 15 araw na palugit ng gobyerno sa rice importers, upang iprisinta ang mga dokumento na magpapatunay na legal ang pag-aangkat nila ng bigas.
Pahayag ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa rice distribution ngayong araw (September 22) sa General Trias, Cavite, kung saan ipinamahagi ang 1,200 na sako ng bigas na una nang nakumpiska sa isang warehouse sa Zamboanga.
“Kaya nag-antay lang kami dahil bago mo huhulihin, nasa batas, kailangan ‘yung importer ay mag — kailangan patunayan within 15 days na legal ‘yung kanilang in-import. Kaya’t medyo natagalan dahil inantay pa natin ‘yung 15 days.” —Pangulong Marcos Jr.
Ayon sa Pangulo, kung legal ang pag-aangkat ng isang importer ng bigas, hindi na nito kakailanganin ang 15 araw at agad nitong maipapakita ang hinihinging dokumento ng gobyerno.
“At sinusubukan natin ngayon bawasan ‘yung 15 days into seven days. Dahil kung legal ka na importer, hawak mo lahat ng dokumento. Pag hinanap sa iyo ‘yan, bibigay niyo kaagad. So, bakit pa 15 days?” —Pangulong Marcos Jr.
Sabi ng Pangulo, masyadong mahaba ang 15 araw at posibleng mailusot o magawaan pa ng paraan ng smugglers na makapag-provide ng hindi naman tunay na dokumento.
“Sabi ko, baka kung anong mangyari diyan, mailulusot pa nila ‘yan. Kaya’t sabi ko, gawin natin ang lahat para makuha na ng pamahalaan, makuha na ng Bureau of Customs.” —Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan