Pabor ang mga mamimili sa hakbang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sertipikahang “urgent” ang panukalang batas para patawan ng mabigat na parusa ang mga sangkot sa smuggling, hoarding gayundin sa mga nagmamanipula sa agri-products.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa Agora Public Market sa San Juan, ilan sa mga ito ang nagsabi na pawang mahihirap anila ang tinatamaan ng walang awang pananamantala sa suplay ng bigas.
Ang iba naman, nagsabing bagaman pabor sila ay nais munang makita na mayroon talagang mga nasasampulan upang huwag nang pamarisan.
Sa ilalim kasi ng panukala, itinuturing na pananabotahe sa ekonomiya ang paglikha ng artificial shortage o hindi totoong kakulangan ng suplay, pagtulak ng labis-labis na importasyon, pagmamanipula sa presyo sa suplay, pag-iwas sa pagbabayad ng buwis.
Gayundin ang pananamantala para sa labis-labis na kita at pagpasok sa mga kasunduan kontra sa patas na kompetisyon na siyang ikadedehado ng publiko.
Mahaharap naman sa parusa ang mga opisyal ng pamahalaan na masasangkot sa Agricultural Economic Sabotage gaya ng “perpetual disqualification” sa alinmang puwesto, pagkawala ng karapatang bumoto at lumahok sa eleksyon gayundin ang pagkawala ng benepisyo. | ulat ni Jaymark Dagala