Pinaplano na ng pamahalaan ang posibilidad na magpatupad ng fishing ban upang matugunan ang overfishing, at upang mapaigting ang fish population at aquaculture sa Pilipinas.
Sa isang panayam sa Zamboanga City, ipaliwanag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mayroong mga bahagi ng karagatan na hindi dapat gawing palaisdaan dahil ito ay nagsisilbing breeding grounds ng mga isda.
Sabi Pangulo, mahalagang maprotektahan ang breeding grounds na ito upang hindi bumaba ang antas ng nahuhuling isda, at upang magpatuloy lamang ang pagpaparami sa mga isda, at manatiling sapat ang supply nito sa mga susunod na panahon.
“Kaya’t kasama sa ating development plan ang mga fisheries dahil nang bumaba ang dalawang bagay: bumababa ang ating nahuhuli, ng ating mga mangingisda dahil nasira na ‘yung mga kung saan pinalalaki ang mga isda,” —Pangulong Marcos Jr.
Pagbibigay diin ng Pangulo, hindi lamang supply ng bigas at mais ang dapat na ma-secure ng pamahalaan bagkus ay mapabuti rin ang fishery at livestock sectors ng bansa.
Kaugnay nito, ang administrasyon aniya, nagpapatupad na ng mga programa para sa pagtatayo ng mas maraming cold storage facility upang maiwasan ang pagkasira ng mga nahuhuling isda.
Lumalabas kasi aniya sa mga pag-aaral na 30% ng huling isda ay napipinsala o nasisira dahil sa maling handling o hindi naitabi nang maayos.
Matapos aniya ang cold storage, sunod na tututukan ng pamahalaan ang pagpapalakas naman sa processing sa mga isda.
“Tapos ang isusunod natin after that ay ‘yung processing na para doon lang sa isang lugar ang magiging processing. ‘Yun ang ating mga pinaplano para sa fisheries.” —Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan