Naghain si Senador Imee Marcos ng isang panukalang batas, na layong makapaglatag ng isang sustainbale framework para sa pension system ng mga kawani ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa ilalim ng Senate Bill 2434 o ang panukalang Armed Forces of the Philippines (AFP) Pension System Act, layong ayusin ang kasalukuyang pension system ng mga sundalo sa Pilipinas.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang pension at retirement benefits ng mga kawani ng AFP ay manggagaling sa:
– kontribusyon ng mga bagong pasok sa AFP na 9 percent mula sa kanilang buwanang sweldo habang 12 percent naman ay manggagaling sa national government bilang kanilang share sa AFP trust funds;
– mga natitirang assets ng AFP retirement separation benefits system;
– kita mula sa pagbebenta, pagrerenta at joint development ng mga military reservation;
– share ng AFP mula sa pagbebenta ng military camps at mga private-public partnerships na papasukan ng DND at AFP;
Nakapaloob rin sa panukala na ang isang kawani ng AFP ay magreretiro na pagsapit nito sa 57 years old, at maaari nang mag-voluntary retire kapag naka 20 taon na ito sa serbisyo.
Nakasaad rin sa panukalang ito ang pagbuo ng AFP trust fund committee, na mangangasiwa sa AFP retirement trust fund.
Pamumunuan ito ng secretary ng Department of Finance (DOF), habang magiging miyembro naman nito ang AFP Chief, secretary of national defense, administrator ng Philippine Veterans Affairs Office, President and General Manager ng Government Service Insurance System (GSIS), at apat na economic managers na may business at financial experience na itatalaga ng pangulo ng bansa.
Ang Bureau of Treasury naman ang siyang magsisilbing secretariat ng komite. | ulat ni Nimfa Asuncion