Pagsusuot ng “West Philippine Sea’ statement shirt ng mga senador sa FIBA match ng Gilas Pilipinas at Chinese team, ipinaliwanag ng mga senador

Facebook
Twitter
LinkedIn

Dinepensahan ni Senador Francis Tolentino ang mga kapwa niya senador para sa pagsusuot ng “West Philippine Sea” t-shirt sa naging laban ng Gilas Pilipinas kontra sa koponan ng China nitong Sabado.

Nakatanggap kasi ng mga kritisismo ang ginawang ito ng mga senador dahil hindi anila dapat hinahaluan ng politika ang isang friendly game lang.

Giit ni Tolentino, ginamit lang ng mga senador ang kanilang freedom of expression sa pagpapakita ng pagkakaisa laban sa panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.

Wala aniyang nakikitang masama si Tolentino sa pagpapakita ng political belief sa West Philippine Sea, kahit pa sa isang sports event gaya ng FIBA.

Ipinunto rin ng mambabatas na hindi rin ito ang unang pagkakataon dahil noong opening game sa Philippine Arena ay may nakasuot na ng ganitong t-shirt.

Kabilang sa mga senador na nakitang nakasuot ng West Philippine Sea shirt noong Sabado ay sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Majority Leader Joel Villanueva, Senador Sonny Angara, Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, at Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go.

Sa isang pahayag, sinabi ni Zubiri na ang pagsusuot nila ng t-shirt na ito ay statement na sa Pilipinas ang West Philippine Sea bilang nagpalabas rin aniya ng 10-dash line map ang China.

Iginiit naman ni Dela Rosa na sinuot nila ang shirt na iyon para buhayin ang patriotic spirit ng ating Gilas Pilipinas at i-motivate sila na ibuhos ang lahat ng kanilang natitirang skills at teamwork para maipanalo ang laban.

Ibinahagi naman ni Go na sa pamamagitan ng t-shirt ay nais lang nilang ipakita ang pakikiisa at walang tigil na suporta sa ating koponan at sa buong sambayanang Pilipino. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us