Naniniwala si Senate President Juan Miguel Zubiri na panahon na para repasuhin ang Rice Tariffication law (Republic Act 11203), sa gitna na rin ng nararanasang isyu sa bigas sa bansa ngayon.
Ayon kay Zubiri, kailangan nang magkaroon ng pagdinig ang Senate Committee on Agriculture at ang Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship para mapag-usapan ang naging implementasyon ng naturang batas.
Para kasi sa senate president, tila hindi pa natutupad ang layunin ng batas na maresolba ang problema sa bigas.
Sinabi naman Senate Committee on Agriculture Chairperson Senador Cynthia Villar, na bukas siyang rebyuhin ang batas.
Katunayan aniya, ay talaga namang nakatakdang sumailalim sa review ang Rice Tariffication law sa 2024 lalo na’t mapapaso na ang naturang batas sa taong 2025.
Ipinaliwanag ni Villar, na ang gagawing review ay para matukoy kung kailangan pa bang ipagpatuloy ang ang naturang batas o ititigil na ito. | ulat ni Nimfa Asuncion