Naniniwala si Senate President Juan Miguel Zubiri na panahon na para repasuhin ang Rice Tariffication Law (RA 11203) sa gitna na rin ng nararanasang isyu sa bigas sa bansa ngayon.
Ayon kay Zubiri, kailangan nang magkaroon ng pagdinig ang Senate Committee on Agriculture at ang Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship para mapag-usapan ang naging implementasyon ng RTL.
Para kasi sa Senate president, tila hindi pa natutupad ang layunin ng batas na maresolba ang problema sa bigas.
Sinabi naman Senate Committee on Agriculture Chairperson Senador Cynthia Villar na bukas siyang rebyuhin ang RTL.
Katunayan aniya ay talaga namang nakatakdang sumailalim sa review ang RTL sa 2024 lalo na’t mapapaso na ang naturang batas sa taong 2025.
Ipinaliwanag ni Villar na ang gagawing review ay para matukoy kung kailangan pa bang ipagpatuloy ang RTL o ititigil na ito. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion