Hiniling ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Kongreso na makapaglagay ng special provision sa 2024 General Appropriation Bill, para mataasan ang cash grant ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps beneficiaries.
Sa pagtalakay ng panukalang pondo ng DSWD sa plenaryo, naitanong ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee kung pabor ba ang DSWD sa rekomendasyon ng Philippine Institute for Development Studies o PIDS, na na taasan na ang cash grant ng 4Ps beneficiaries at kung bakit hindi ito nakonsidera sa proposed budget ng ahensya.
Tugon naman ni Appropriations Vice-Chair Jocelyn Limkaichong, kinatigan ng National Advisory Council na taasan na ang cash grant.
Magkagayunman, nang kanilang pinagpulungan at aprubahan ito ay tapos na ang National Expenditure Program.
Kaya naman kung susuportahan ng Kamara ay hiniling ng DSWD na maglaan ng probisyon sa GAB, na mapondohan ang dagdag cash grant na huhugutin sa unprogrammed funds.
Batay sa ulat ng PIDS, ang P31,200 kada taon na maximum amount na natatanggap ng 4Ps beneficiaries ay bumaba ang halaga sa P14,524 dahil sa COVID-19 at inflation. | ulat ni Kathleen Forbes