Suportado ng Grains Retailers Confederation of the Philippines, Inc. (GRECON) ang naging anunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagtatakda ng National Food Authority (NFA) Council ng bagong price range sa pagbili ng dry at fresh palay.
Partikular dito ang inihayag ng Pangulo na ₱23 na ang bagong buying price ng dry palay mula ₱19 at ₱19 para sa wet palay mula sa nakaraang ₱16.
Ayon kay GRECON Spokesperson Orly Manuntag, magandang balita ito para sa mga magsasaka dahil tataas na ang kanilang kita at mas magiging ganado silang magbenta ng palay.
Napapanahon din aniya ito lalo ngayong nagsisimula nang mag-ani ang maraming magsasaka.
Inaasahan naman ng GRECON na kapag umabot ang peak ng anihan sa katapusan ng setyembre hanggang unang linggo ng Oktubre ay mas dadami na ang suplay ng palay na magreresulta naman sa pagbaba ng presyo ng bigas sa merkado.
Dahil dito, para sa GRECON, panahon na para alisin ang price cap sa bigas nang hindi na rin mahirapan pa ang mga rice retailers.
Kaugnay nito, nasa 80% naman na ng mga miyembro ng GRECON ang natanggap na ang financia assistance mula sa pamahalaan na nagpapatuloy pa aniya sa ibang mga lokalidad. | ulat ni Merry Ann Bastasa