Kapwa tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda Jr. at Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral Artemio Abu ang commitment ng kanilang mga ahensya na palakasin ang kooperasyon para sa pagpapatupad ng seguridad sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ito’y sa pagbisita ng PNP Chief sa PCG Headquarters kahapon.
Ayon kay PNP Public Information Office (PIO) Chief Police Col. Jean Fajardo, ang pagbisita ng PNP Chief ay testamento ng pagkakaisa ng dalawang ahensya sa kanilang parehong misyon na pangalagaan ang pambansang karagatan at mga coastal community.
Pinuri ni Gen. Acorda ang matagumpay na pagtutulungan ng PNP at PCG sa paglaban sa kriminalidad at international threats, kabilang ang smuggling, piracy, at illegal fishing.
Sinabi ni Acorda na inaasahan niya ang patuloy na pakikiisa ng PCG sa PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), at Commission on Elections (COMELEC) sa BSKE upang matiyak ang isang maayos, ligtas, at mapayapang eleksyon. | ulat ni Leo Sarne
📸: PNP-PIO