Pamahalaan, hinihintay na lang ang kabuuang desisyon ng Kuwaiti court sa matatanggap na kompensasyon ng pamilyang Ranara

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nagpasalamat ang pamilya ng overseas Filipino worker (OFW) na si Jullebee Ranara, makaraang mahatulan ng 15 taong pagkakakulong ang pumaslang dito na si Turki Ayed Al-Azmi.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega, na bagamat nakulangan ang pamilya Ranara sa sentensyang ito, naiintindihan nila ang sentimyento ng mga ito. 

“Alam lang natin from the beginning hindi naman talaga puwedeng full life imprisonment or what dahil nga sa pagiging menor de edad ng akusado. Ganunpaman hindi naabsuwelto, hindi nagkaroon ng whitewash at napakabilis ng paghatol sa kaniya.” —Usec. Vega

Aniya, buhay pa rin kasi ng kanilang kaanak ang kinuha, at hindi na maibabalik pa. 

“Parang alam natin na buhay ang nawala, alam natin iyan. So, they are grateful na mayroong hustisya pero siyempre recent lang iyong pagkapatay, karumal-dumal na pagkapatay kay Jullebee kaya para sa kanila siyempre hindi naman mababalik, kahit na ba anong imprisonment ay hindi na maibabalik iyong buhay ng kanilang Jullebee.” —Usec. Vega

Naipaliwanag naman sa pamilya Ranara na kaya mas mababang taon ng kaparusahan ang naigawad kay Al-Azmi ay dahil menor de edad pa ito. 

Sa kasalukuyan, hinihintay na lamang ng DFA ang buong detalye kaugnay sa naging hatol ng Kuwaiti court.

“Lahat ng kanilang nakuhang benefits ay galing sa ating pamahalaan iyan, galing for example kay President Bongbong Marcos mismo, galing sa DMW, OWWA, sa amin. Hinihintay natin ang desisyon kasi dapat mayroon iyang damages, dapat mayroon iyang hatol, iyong desisyon; kailangan may kasama iyon na indication kung magkano ang kailangang bayaran ng akusado o ngayon kondenado na, convicted na.” —Usec Vega.

Habang ngayong araw, tutungo sa bahay ng pamilya ang mga opisyal ng Department of Mugrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). | ulat ni Racquel Bayan

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us